Ang GOMBURZA ay tumutukoy sa tatlong paring Pilipino na sina Padre Mariano Gómez, Padre José Burgos, at Padre Jacinto Zamora. Sila ay mga paring sekular na nagsulong ng pantay na karapatan para sa mga paring Pilipino laban sa mga prayleng Kastila. Dahil sa kanilang aktibong paninindigan, sila ay nadawit at pinaratangang kasali sa Cavite Mutiny noong 1872. Kahit na walang sapat na ebidensya laban sa kanila, sila ay hinatulan at binitay sa pamamagitan ng garrote noong Pebrero 17, 1872 sa Bagumbayan (ngayon ay Luneta).