Kuwentong Bayan: Si Mariang Makiling Noong unang panahon, sa may paanan ng Bundok Makiling, may isang mahiwagang dalagang ubod ng ganda. Ang pangalan niya ay Maria. Pero hindi siya ordinaryong dalaga isa siyang diwata. Ang mga tao sa baryo ay labis ang paghanga sa kanya dahil bukod sa kanyang kagandahan, siya'y mabait, maawain, at laging handang tumulong.Tuwing may nagugutom o may nagkakasakit, bigla na lang daw may lalabas na pagkain sa pintuan nila, o may halamang gamot na hindi nila inaakalang tutubo sa kanilang bakuran. Ang sabi ng mga matatanda, si Mariang Makiling ang may gawa nun. May mga kwento rin na may mga nawawalang magsasaka sa gubat pero makalipas ang ilang araw, babalik sila at sasabihing may isang babaeng nagligtas sa kanila. Maganda. Maputi. Mahaba ang buhok. Laging naka-puting saya. Sino pa nga ba? Si Maria, ang tagapangalaga ng bundok.Isang araw, may binatang magsasaka ang laging pinupuntahan si Maria sa gubat. Mabait ito, masipag, at may mabuting kalooban. Sa hindi inaasahang pagkakataon, nagkaibigan sila ni Maria, at sinasabing naibigan rin ito ng diwata.Ngunit hindi ito nagustuhan ng ilang tao sa baryo. Inggit ang nanaig sa kanilang puso. Nagsimulang ikalat ang masasamang salita tungkol sa binata. Siniraan siya hanggang sa siya'y hindi na muling bumalik sa bundok. Si Maria, sa sakit ng damdamin, ay bigla na lang nawala. Hindi na siya nakita ng mga tao. At simula noon, hindi na siya muling nagpakita sa sinuman.Pero hanggang ngayon, may mga nagsasabing kapag ikaw ay may mabuting puso, at ikaw ay naligaw sa bundok, may mararamdaman kang presensya. Parang may tumutulong sa iyo. Parang may nagbabantay.Ang sabi nila ay.. sii Mariang Makiling pa rin iyon.Aral ng KwentoMaging mabuti sa kapwa at huwag mainggit sa tagumpay o kaligayahan ng iba.Ang kalikasan ay dapat igalang at pahalagahan, dahil may mga nilalang na nagbabantay dito.