Kapag nalaman mong mapapatawad ka ng Diyos sa tuwing nagkakamali ka, nakakagaan ito ng loob. Hindi ka mangangamba na lumapit sa kanya sa panalangin at ipagtapat ang iyong kasalanan dahil alam mong naiintindihan niya ang kahinaan mo bilang isang hindi perpektong tao.Pakiramdam mo ay binibigyan ka Niya ng panibagong pagkakataon. Pero ang kasalanan at pagpapatawad ay hindi naman walang-taros. May hangganan pa rin ito dahil kailangan na kakitaan tayo ng pagsisisi at pagbabago.Kung ang gagawin ng Diyos ay patatawarin niya tayo nang walang parusa o consequences, hindi tayo matututo sa ating mga pagkakamali at parang kunsintidor ang labas niya. Kung kaya kapag may nagawa tayong mali, kailangan pa rin natin harapin ang mga hindi magandang epekto nito. At sa hinaharap, kailangan ay huwag na natin ulitin muli ang ating pagkakamali.Tulad ni David, ang pagsisisi ay mahalaga. Noong nagkasala siya ng pangangalunya at pagpapapatay sa isang tao na walang kasalanan, siya ay lubusang nabagabag ng kanyang konsensiya. Kaya ng siya ay kinausap ng propetang si Nathan, pinakinggan niya ito at ipinagtapat ang kasalanan niya para mailapit siya sa Diyos sa pamamagitan ng paghingi ng tawad. Kaya’t kapag taos-puso kang humingi ng tawad, mararamdaman mong tunay ang Kanyang awa at pagmamahal.