Ang Nominal GDP ay ang kabuuang halaga ng produkto at serbisyo ng isang bansa batay sa kasalukuyang presyo sa panahon ng pagsusukat. Ibig sabihin, hindi isinasaalang-alang dito ang epekto ng inflation o pagbabago ng presyo ng bilihin sa paglipas ng panahon.Sa kabilang banda, ang Real GDP ay GDP na naayos na para sa inflation. Ginagamit dito ang presyo mula sa nakaraang taon bilang batayan para malaman kung ang pagtaas sa GDP ay dahil talaga sa mas maraming nalikhang produkto o serbisyong ginawa, at hindi lang dahil tumaas ang presyo.Halimbawa, kung noong 2023 ay ₱100 ang presyo ng isang bigas na sako at umabot ang GDP sa ₱10 trilyon, tapos noong 2024 ay naging ₱120 ang presyo ng bigas at umabot sa ₱11 trilyon ang GDP, maaaring isipin na lumago ang ekonomiya. Pero kung ang dagdag ay dahil lang sa inflation at hindi naman dumami ang produkto, hindi ito tunay na paglago. Kaya mahalagang gamitin ang Real GDP para makita ang “totoong” pagbabago sa produksyon.Sa Pilipinas, mahalaga ang pagkakaiba ng Nominal at Real GDP lalo na kapag ang presyo ng mga pangunahing bilihin ay mabilis magbago tulad ng bigas, langis, o kuryente. Kapag Real GDP ang tiningnan, mas matapat itong sumasalamin sa kalagayan ng produksyon at kabuhayan ng bansa.