Ang Filipino First Policy ay isang patakarang isinulong noong administrasyon ni Pangulong Carlos P. Garcia noong 1958 na naglalayong bigyan ng priyoridad ang mga negosyanteng Pilipino kaysa sa mga dayuhan sa mga oportunidad sa ekonomiya. Layunin nitong paigtingin ang pagmamalasakit sa sariling produkto, negosyo, at kapital, upang hindi maging palaging kontrolado ng dayuhan ang ekonomiya. Sa ilalim ng patakarang ito, pinaboran ang mga lokal na negosyante sa mga prangkisa, lisensya, at pautang. Bagama’t suportado ng ilang sektor, binatikos ito ng mga dayuhang negosyante at ilang elitista, na nagsabing ito ay proteksiyonistang polisiya na makakasama sa foreign investment.