Noong dekada ’70, nanghiram ng malaking halaga si Marcos mula sa mga international financial institutions tulad ng World Bank at IMF upang pondohan ang malalaking proyekto. Mula $2.3 bilyon noong 1970, lumobo ang utang panlabas ng Pilipinas sa mahigit $26 bilyon pagsapit ng 1983. Tinatawag itong foreign debt boom. Sa una, naging positibo ito sa pagpondo ng imprastruktura, ngunit kalaunan ay naging pasanin dahil sa korapsyon at hindi kumikitang proyekto. Nang tumaas ang interes sa utang at bumaba ang export earnings, nahirapan ang Pilipinas magbayad, at nauwi ito sa krisis sa pananalapi.