Noong maagang bahagi ng 1990s, naranasan ng Pilipinas ang malalang power crisis kung saan may araw-araw na brownout na umaabot ng 6 hanggang 12 oras, lalo na sa Metro Manila. Bunga ito ng kakulangan sa planta ng kuryente at matagal na kapabayaan sa sektor ng enerhiya. Tinugunan ito ni Ramos sa pamamagitan ng pagpasa ng Electric Power Crisis Act, na nagbigay sa Pangulo ng kapangyarihang pumasok sa mga kontrata para sa pagtatayo ng power plants sa mas mabilis na proseso. Pinayagan ang mga Independent Power Producers (IPPs) na magtayo ng planta at magbenta ng kuryente sa gobyerno. Bagama’t naresolba ang krisis, naging pasanin naman sa hinaharap ang mahal na kontrata ng gobyerno sa IPPs.