Ang asawa ng OFW ay parang tagapamahala ng kumpanya. Sila ang nasa frontline na gumagawa ng desisyon tungkol sa pera ng pamilya habang ang kanilang asawa ay nagtatrabaho sa ibang bansa. Dapat tandaan ng isang asawa na ang pagsasabi ng "hindi" sa mga nangungutang na kamag-anak at kaibigan ay hindi kasamaan o kasakiman.Maraming kamag-anak at kaibigan ang nagbabago ang tingin sa mga OFW, sa pakiwari nila ay biglang yaman o may unlimited na pera ang mga ito. Dahil hindi nila ito pinaghirapan, hindi nila iniisip na ang pamilya ng OFW ay may gastusin rin na kinakailangang paglaanan bago ang iba pang mga bagay. Kapag ang isa ay laging nagpapautang, nagtuturo tayo ng dependency sa halip na self-reliance. Ang pagpapautang sa iba ay ang nagiging simula ng lamat ng mga relasyon. Ang mag-asawa ay nagkakaroon ng samaan ng loob kung ang pera sa pagitan nila ay nagkukulang o hindi lumalaki. Ang relasyon naman sa mga kamag-anak at kaibigan ay biglang nagbabago once na ang pera ay nasangkot dahil nawawala na ang respeto.